mula sa isang bandang kamakailan lamang natagpuan - at naibigan, UpDharmaDown.
Katatapos ng orals sa Pilosopiya ng Relihyon. Parehong pagod sa pakikipagtalastasan at pakikipagdebatehan sa aming sariling guro sa kolehiyo. Parehong pagod sa pag-aaral ng mga sulatin ni San Agustin, San Dominico, Gabriel Marcel, at Pierre Teilhard de Chardin.
Pero may buwan. At tulad nang nakagawian, kailangang lumabas. Namnamin ang salamin ng buwan. Maligo sa ningning ng mga bituwing animo'y hindi napapagod sa kanilang nakagawian.
Nakagawian.
Na para bagang kanilang piniling maging bituwin.
Na para bagang mayroon silang sariling kaisipan at karapatang mamili kung ano ang kanilang nais gawin.
"Kumusta ang orals?"
"Mabuti. Alas na iyon, pare."
"Buti ka pa. Malamang, B lang ako. Medyo natanga ako sa kalokohan ni San Dominico. Parang maraming siyang sinabi - pero wala naman talagang nasabi. Hindi ko siya talaga naintindihan."
"Ano ka ba? Ilang linggo nating pinaghirapan iyon? Ginawan pa kita ng cheatsheet. At script."
"Eh mahirap talaga eh. Ano magagawa ko?"
"Wala na. Tapos na eh."
"Tama."
Tungga ng Red Horse. Kalagitnaan na kasi ng buwan. Ubos na ang padala ng mga magulang.
"Saan ka nagpadala ng application?"
"Andersen. Ikaw?"
"P&G."
"Palagay mo, matatanggap ako?"
"Oo naman. Ikaw pa? Ano pang hahanapin nila? Unang karangalang-banggit sa agham ng Pisika."
"Pero pisika at Andersen? Ano naman ang koneksyon noon?"
"Hmmm. Baka kailangan nila ng magtuturo kung paano nga ba magkabit ng xerox machine. O kaya maggawa ng programs sa computer."
"Gago. Hirap ng Physics. Tapos iyon lang gagawin ko."
"Kailangan mong magsimula sa baba."
"Tapos?"
"Tapos. Eh di promotion. Malay mo, maging CEO ka na rin."
Tungga. Umiinit na ang Red Horse. Tag-araw na kasi. Tumagataktak na rin ang pawis.
"Ano sa palagay mo ang mangyayari sa atin pagkatapos nating lumabas ng Gate 3?"
"Eh di babalik para sa mga games. Hindi pa tayo tapos sa Ateneo. At sa mga gabing ganito."
"Palagay mo, may mapupuntahan talaga tayo?"
"Siguro naman. Para saan pa ang apat na taong pinaghirapan natin. Siguro naman, may natutunan tayo kahit na kaunti."
Tungga. Ubos na ang dalawang bote ng Red Horse. Wala nang susunod. Matagal pa ang dating ng allowance. Kung darating pa nga iyon. O hindi na.
Higa sa damuhan.
"Palagay mo, may mahahanap tayong magiging..."
"Magiging... ano?"
"Makakasama sa habangbuhay."
"Asawa."
"Kahit na hindi."
Tawa. "Halatang inubos mo ang lahat ng free cuts mo sa Theo131."
Tawa. "Wala akong natutunan doon. Commitment. Paghahandog ng sarili sa isa pa. Bakit...?"
"Bakit kailangang isa lang?" Tawa ulit.
"Gago. Hindi. Bakit kailangang... bakit parang ang dating sa akin, kung wala akong nahanap, hindi magiging buo ang buhay ko? Hindi ba sapat na ako na lang? Alam mo iyon?"
"Eh di magpari ka."
"Ako? Magpapari? Di ba na-D ako sa isang essay ko sa Theology?"
"Oo nga pala. Ikaw ba naman ang magsulat tungkol mga babae sa Simbahan? Siyempre pa naman. Buti nga, pinapasok ka pa."
"Sangkatutak na pagmamakaaawa."
"At extra papers." Tawa ulit.
"Noong sinaunang panahon, lahat daw tayo ay bahagi ng dalawang tao. Babae at lalaki. Lalaki at lalaki. Babae at babae. Pero nagalit ang mga dios - at pinaghiwalay sila. At ang turo, ayon sa kanila, kailangan nating hanapin ang ating mga kabiyak."
"Hmmm. Alam ko iyan. At pag nahanap mo na ang kabiyak mo, magiging masaya ka na. Kumpleto."
"Pero paano kung ikaw lang ang nakakaalam ng kwentong ito? Paano kung iyong katuwang mo - iyong kabiyak mo - hindi niya alam na ikaw pala ang nakatakda para sa kaniya."
"Malas."
Tawa.
"Siguro, mananatili na lang siyang isang panaginip. Isang bahagi ng isang pangitaing mananatiling pangitain. Isang panaginip na hindi magkakatotoo."
"Ang korni mo. Ano ka, si Ogie Alcasid?"
Tawa ulit.
"At paano kung iyong katuwang mo pala ay isa ring lalaki. Paano na iyon?"
"Mahalaga pa ba iyon?"
"Hindi ko alam."
"Siguro, hindi na. Pagdating ng panahon, hindi na siguro."
"At pagkatapos. Ano'ng gagawin ninyo?"
"Ewan. Tatanda. Magkasama. Siguro, mag-aaway paminsanminsan. Siguro, magtatampuhan paminsanminsan. Pero magkasama. Hanggang sa pagtanda. Tatakbuhan ka niya kung kailangan niyang magsumbong. Tatakbuhan mo siya kung gusto mong umiyak at magsumbong. Patututulugin ninyo ang isa't isa. Magkukuwentuhan."
"Pwede."
"Pwede."
"Tama. Pwede."
Comments